Takot ka ba sa ‘madidilim’ na bagay? 😱

Kaibigan, matatakutin ka ba? Hindi iyong takot sa ahas o gagamba, pero mas takot sa mga” espiritu o demonyo”.
Noong nasa unang baitang ako, may mga kaklase akong mahilig magbahagi ng mga kuwento tungkol sa multo. Sa sobrang aktibo ng imahinasyon ko, hindi ako nakakatulog dahil sa mga nakakatakot na kwentong iyon! Dumating pa sa punto na kinausap talaga ng mama ko ang dalawang kaklase kong iyon! Simula noon, ayokong manood ng mga nakakatakot na pelikula. Hanggang ngayon, may kaibigan kaming natatakot mag-isa sa bahay kapag gabi, dahil sa mga nakakatakot na pelikula na napapanood niya.
Ikaw ba, natatakot ka ba sa mga ganito? Ang totoo, nawala na lang ang takot ko sa mga ‘espiritwal na nilalang” noong nakilala ko na si Jesus. Nabigyan ako ng lakas dahil alam kong kasama ko Siya kahit saan ako magpunta, at alam kong takot sa kanya ang mga multo-multo.
Kaya gustung-gusto ko ang mga eksena sa Bibliya na nagpapakita ng kapangyarihan ni Jesus laban sa mga demonyo. Halimbawa, sa Mateo 8:28-34, may dalawang taong sinapian ng demonyo ang lumapit kay Jesus. Sa isang salita lang ni Jesus, umalis agad ang demonyo sa katawan ng mga tao, at naging malaya na sila. (Pwede mo itong panoorin sa The Chosen, S2 - E5: Espiritu, mula 21:14 - 24:45.)
Nakikita mo ba, Kaibigan? Kapag nandyan si Jesus, hindi natin kailangang matakot sa mga demonyo, dahil mas makapangyarihan si Jesus. Kapag nasa puso natin Sya, may kapangyarihan din ang salita natin laban sa gawa ng mga kalaban.
Kaibigan, basahin natin ng malakas itong talata sa Bibliya, araw-araw kung kinakailangan:
Ngunit mga anak ko, kayoʼy sa Dios at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad at sinungaling na propeta, dahil ang Espiritung nasa inyo ay higit na makapangyarihan kaysa kay Satanas, na siyang naghahari ngayon sa mga makamundo. (1 Juan 4:4 ASND)
Kaibigan, isa kang himala!

