Sinong tanyag na tao👨🎤 ba ang iniidolo mo?

Mahilig ka ba sa mga pelikula, konsyerto, o mga palakasan? May paborito ka bang artista, o mag-aawit, o ibang sikat na tao,tulad ng isang kilalang atleta? O baka may paborito kang manunulat o influencer na pinapanood sa social media?
Oo, nakakaapekto sa atin ang mga taong pinapanood natin, binabasa, o pinapakinggan. Malamang, ito ang mga taong hinahangaan natin, kaya natutuwa tayong makinig o manood sa kanila.
Pero, kapag may problema ka, o may masayang pangyayari na gustong ibahagi, malalapitan mo kaya ang mga taong ito? Malamang hindi, dahil hindi kayo magkakilala. Nakikita mo ba ang pagkakaiba? Iba ang relasyon natin kumpara sa mga taong kasama natin sa pang-araw-araw nating buhay, di ba? Isipin mo ang iyong pamilya, mga kaibigan, kaklase, kasama sa trabaho, o kung sinu-sino pa na pwede mong direktang makausap.
Alam mo bang may ganoon ding pagkakaiba pagdating sa relasyon natin sa Diyos? Marami sa atin ang nakakaalam ng tungkol sa Diyos: may mga ideya tayo tungkol sa Diyos, may mga istorya tayong alam. Pero hindi natin Siya kakilala—na nakakausap, nalalapitan.
Alam mo ba ano ang sabi ni Jesus sa Bibliya?
Ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at ang makilala si Jesu-Cristo na iyong isinugo. (Juan 17:3 MBB05)
Ipinakilala kita sa kanila, at patuloy kitang ipapakilala upang ang pagmamahal mo sa akin ay mapasakanila at ako man ay mapasakanila. (Juan 17:26 ASND)
Nakikita mo ba, Kaibigan? Gustong-gusto ni Jesus na makilala natin ang Diyos. Pwede palang makilala natin ang Diyos!
Kung hindi mo pa siya kilala, Kaibigan, pwede ka nang magsimula ngayon. Pwede mo itong dasalin: “Panginoon, hindi pa kita kilala, pero gusto kitang makilala. Tulungan mo ako na makilala Ka. Amen.”
Tandaan mo, Kaibigan, isa kang himala!

