Sino ba ang nilalapitan mo kapag may problema?📱

Kaibigan, pwede bang magtanong? Kapag may problema ka ba, sino ba ang unang tao na nilalapitan mo? Paano ba sila nakakatulong sa iyo?
O ganito na lang, maaalala mo ba ang isang mahirap na pagkakataon sa buhay mo na may nakinig sa iyo? Ano ba ang epekto nun? Nakakaginhawa di ba?
Bakit namin naitanong ito? Kaibigan, alam naming napakabigat kapag may problema at wala tayong pwede malapitan. Naranasan din namin iyon, sa isang panahon na nagkaroon kami ng di pagkaka-unawaan sa mga taong pinakamalapit sa amin. Wala kaming ibang malapitan; napakalungkot! Buti na lang, pareho kaming mag-asawa na may relasyon kay Jesus. Kaya dagdag sa aming relasyon sa isa’t-isa, may isa pa kaming nalapitan sa mabigat ng sitwasyon na iyon: si Jesus.
Nakasulat sa Mga Panaghoy sa Bibliya:
Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay. Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila. (Mga Panaghoy 3:22-23 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)
Kaibigan, naghahanap ka ba ng kaibigang tapat, isang tao na laging nariyan para sa iyo? Ito ang pangako ng Panginoon sa atin, na ang pag-ibig Niya ay walang katapusan, at ang kahabagan Niya’y walang kapantay. Ang Kanyang awa ay bago tuwing umaga, kaya araw-araw, bawat pagkakataon, pwede tayong humingi ng tulong sa Kanya.
Ito ang hamon ko sa iyo today, Kaibigan. Pwede ka bang maglaan ng kahit 5 minuto lang? Sa oras na ito, kumuha ng papel o pagsusulatan, o kahit sa telepono lang. Mag-isip at isulat ang tatlong bagay na nagpapakita ng pagmamahal ng Panginoon sa iyo. Sana sa pag-iisip at pagsulat, mapaalalahanan ka din ng katapatan Nya. Maari mo itong gawin araw-araw, siguro bago matulog.
Tandaan mo, Kaibigan, isa kang himala!

