Sino ba ang idolo mo? 😍

Sino ba ang isang taong nagbibigay inspirasyon sa iyo? May paborito ka bang guro o superhero noong bata ka? Ngayong malaki ka na, may totoong “bayani” ka bang sinusundan sa social media? Baka may artista kang sinusundan na gustung-gusto mo ang istilo ng pananamit, o influencer na nagbibigay ng payo na nakakatulong sa iyo.
Mahilig si Mark makinig sa mga podcast. Ngayon, ang mga paksang paborito niyang pakinggan ay kalusugang emosyonal at pamumuno. Ako, isa sa kasalukuyan kong paboritong manunulat ay isang may-akda ng pambatang libro na nagbabahagi ng kahalagahan ng imahinasyon at pagkukwento sa buhay ng mga bata.
Bakit ko ibinabahagi ito?Napagtanto naming importante palang malaman kung ano ang mga impluwensya sa buhay natin. Pag sinabing impluwensya, hindi ito kinakailangang halata, na parang may guro talagang nagtuturo sa iyo ng lahat-lahat. Alam mo bang maaaring mas malaki pa ang impluwensya ng mga nakikita natin araw-araw sa ating mga telepono?
Alam mo ba kung gaano kalaki ang epekto ni Jesus sa buhay ng mga tagasunod Nya? May isang kuwento sa Bibliya na nakakamangha. Nasa isang bangka ang mga disipulo ng may dumating na bagyo. Malakas ang hangin at alon, at ginagawa nila ang lahat para hindi tumaob ang bangka. Pagkatapos, bigla na lang, may makikita silang naglalakad—sa ibabaw ng tubig! (Mateo 14: 22-32 ASND)
Ito ang karanasan ni Pedro. Tagasunod siya ni Jesus, pero ibang antas ng himala itong nakita niya. Tapos, parang kulang pa ito, inimbitahan pa sya ni Jesus na maglakad din sa tubig katulad Nya! (Maaari mo itong panoorin dito: The Chosen S3 - E8: Pagpapanatili mula 1:13:43 - 1:13:01)
Kaibigan, isipin mo ang sarili mo sa lugar ni Pedro: ano kaya ang maiisip mo? Sino ba ang taong ito na kayang gawin ito? Kaya Niyang gawin ang imposible.
Kaibigan, isa kang himala!

