Sino ang gusto mong makasama ngayong Pasko?๐จโ๐ฉโ๐งโ๐ฆ

Ang panahon ng kapaskuhan, lalo dito sa atin, ay laging puno ng mga pagtitipon, sa pamilya at sa mga kaibigan, tulad ng mga reunions at kasayahan sa kapaskuhan. Ikaw ba, sinu-sino ba ang mga gusto mong makasama ngayong Pasko? May mga miyembro ka ba ng pamilya o mga kaibigan na hindi masyadong nakikita sa loob ng natitirang bahagi ng taon, na kapag Pasko ay nagkakatagpo ulit kayo? Masayang isipin di ba, ang magkita-kita tayong muli?
Pero alam naming para sa iba sa atin, mahirap sagutin ang tanong na ito, lalo na kung may minamahal kang malayo ngayong Pasko. (Parang sa awit ni Jose Mari Chan, ano? “My idea of a perfect Christmas is to spend it with you.”) At ang distansya na ito ay pwedeng pisikal, kung ang taong mahal natin ay nasa ibang bansa, o pwede rin itong maging emosyonal, tulad ng kung may gusot na gusto nating ayusin. Kung ganito ang sitwasyon mo ngayon Kaibigan, nagpapadala kami ng virtual na yakap!
Kaibigan, alam mo ba na ang isang pangalan ni Jesus sa Pasko ay “Emmanuel,” na ang ibig sabihin ay “Diyos ay kasama natin”? Kung may hinihintay ka man ngayon, o may dinadalang mahirap, alam mong kasama mo si Jesus. Huwag mawalan ng pag-asa. Ito ang talata na gusto naming ibahagi sa iyo ngayon:
Pero para sa akin, magtitiwala ako sa PANGINOON na aking Dios. Maghihintay ako sa kanya na magliligtas sa akin, at tiyak na ako ay kanyang diringgin. (Micas 7:7 ASND)
Ito ang hamon namin sa iyo ngayon, Kaibigan: sanayin nating dasalin ang nababasa natin sa Bibliya. Halimbawa, galing sa bersikulo na ito, pwede nating sabihin kay Jesus: “Panginoon, magtitiwala ako sa Iyo. Maghihintay ako sa Iyo na magliligtas sa akin, at tiyak na ako ay iyong diringgin.”
Kaibigan, tandaan mo, isa kang himala!

