Sa tingin mo ba, madaling magalit ang Diyos? 😤

Noong bata ka, paano ka ba kinokorek ng magulang mo? May ilan sa atin na pinapalo; yung iba, pinapagalitan, sinisigawan. At may iba pang ang estilo ng komunikasyon sa pamilya ay magtampuhan, walang imikan nang ilang araw. Ang pinaka-ideyal siguro natin ay ang mga magulang na kayang pigilan ang kanilang galit at makipag-usap ng matino, pero sa totoo lang, konti lang sa atin ang nakakaranas ng ganito.
Bakit natin pinag-uusapan ito? Ito ang dahilan: alam mo bang ang karanasan natin sa ating mga magulang ay nakakaapekto kung paano natin isinasalarawan ang Diyos? Kung lagi tayong pinapagalitan noong bata tayo, mas malaki ang pagkakataon na ang tingin natin sa Diyos ay lagi ring galit. Kung ang karanasan naman natin ay mga magulang na laging wala, maaaring dahil wala sila sa tabi natin o hindi lang talaga sila kabilang, malaking pagkakataon na yan din ang iniisip natin tungkol sa Diyos.
Sa tingin mo ba, Kaibigan, madali bang magalit ang Panginoon? Noong bata ako, sabi ng kuya ko (na bata ring tulad ko), ang puso natin ay parang blangkong pisara. Bawat kasalanan natin ay naglalagay ng tuldok doon. Tuwing pumupunta daw tayo ng simbahan at tumatanggap ng komunyon, nabubura daw ang mga tuldok at nagmumukhang bago ang puso. Pagkatapos, uulit lang ang proseso, kaya dapat daw tuwing linggo akong pumunta ng simbahan at mag-komunyon.
Nakikita mo ba ang mali sa konseptong iyon, Kaibigan? Ang isa, ang nagiging tingin natin sa Diyos ay parang isang pulis lang na nagbabantay tuwing magkakasala tayo. Pero ano ba ang totoong nakasulat sa Bibliya?
Ang Panginoon ay mahabagin at matulungin, hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal. (Salmo 103:8 ASND)
Nakikita mo ba, Kaibigan? Sabihin natin ito ng malakas: Ang Panginoon ay puno ng habag, gustong tumulong, hindi madaling magalit, at nag-uumapaw ang pagmamahal!
Kaibigan, isa kang himala!

