Panghihikayat: sino ang nagbibigay nito sa iyo? 😁

Kaibigan, pwede ka bang mag-isip ng pagkakataon na may nakahikayat sa iyo? Ano ba ang naramdaman mo? Malamang kapayapaan at ginhawa, lalo na kung nasabi ito sa panahong ikaw ay malungkot.
Dito natin makikita ang lakas o bisa ng mga salitang nakakahikayat. Tamang-tama din ito sa tagubilin ni Paul na alagad ni Jesus, na naisulat niya sa sulat sa mga taga-Efesus:
Huwag kayong magsasalita ng masama kundi iyong makabubuti at angkop sa sitwasyon para maging kapaki-pakinabang sa nakakarinig. (Efeso 4:29 ASND)
Nakakatuwang isipin ano, na pwede palang ang mga salita natin ay makabuti at maging kapakipakinabang sa nakakarinig? Ang nakakalungkot lang, hindi lahat ng tao ay marunong gamitin ang mga salita sa paraang nakakatulong.
Sa karanasan mo, Kaibigan, sanay ka bang magbigay ng mga salita na nakakatulong sa mga nakarinig nito sa halip na lalo sila nitong ibaba? Sa aming karanasan bilang mga magulang, minsan, mas madaling bumitaw ng mga salitang nagtatama sa aming mga anak. Mas kailangan ng pagsisikap na mag-isip ng mga salitang nagpapatibay ng loob. Kaya sa aming mag-asawa, kailangan naming maging intensyonal sa pagbibigay ng mga salitang mapapakinabangan at hindi makakasira, sa amin at sa aming mga anak.
Paano natin gagawin ito? Ituloy natin ang ating pagsasanay kahapon: kumuha ulit ng papel, at magsulat ng pangalan ng tatlo pang taong malapit sa iyo. Ulitin nating tanungin ang Panginoon kung ano ang pwedeng sabihin para mahikayat sila. Mas madalas nating gawin ito, Kaibigan, mas lalong magiging natural ito sa atin, at mas maaari nating gawin ito sa mga biglaang pagkakataon.
Kaibigan, ikinararangal ka namin, and isa kang himala!

