Pagmamahal sa iba: marunong ka ba nito?🧐

Kaibigan, marunong ka bang magmahal ng ibang tao? Hindi namin ibig sabihin ay magmahal ng kasintahan, pero ng ibang tao sa pangkalahatan, halimbawa, mga kaklase, kasama sa trabaho, pamilya, kamag-anak, kapitbahay, mga estranghero.
Siguro mahirap sagutin ang tanong na yan. Kasi, madali lang sabihing mahal natin ang ibang tao. Pero hindi sa lahat ng oras mabilis mahalin kahit kaibigan o kapamilya natin, di ba? Halimbawa, may oras na magagalit tayo sa sa kanila, o may mga ginagawa ang ibang tao na naiirita tayo.
Tingnan natin ang nakasulat sa Bibliya:
At ang ikalawang pinakamahalagang utos ay katulad din nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’ (Mateo 22:39 ASND)
Ang pagmamahal pala sa kapwa ay ang ikalawang pinakamahalagang utos sa mata ng Diyos. Pero nakatali pala ito sa pagmamahal natin sa sarili natin. Napag-usapan natin ito kahapon; paano ito may kaugnayan sa pagmamahal natin sa iba?
Sa mga nakaraang buwan, marami kaming natutunan tungkol sa aming mga sarili, na nagpapakita ng espesyal na disenyo ng Panginoon sa amin. Para sa amin, naging gatong ito sa pag-intindi sa pagkakaiba ng bawat tao. Halimbawa, magkaiba ang personalidad naming mag-asawa, at natutunan din naming intindihin at pahalagahan ang iba’t-ibang personalidad ng mga kapamilya at kaibigan namin—ito ang nagiging umpisa ng pagmamahal sa kanila.
Ikaw, Kaibigan, posible bang parte ng hirap na magmahal ng iba ang mga indibidwal na pagkakaiba natin? Ngayon, ganito ang gawin natin: kumuha ng papel o notebook, at isulat ang pangalan ng tatlong taong pinakamalapit sa iyo. Pagkatapos, magsulat ng 3 bagay na pinapahalagahan mo sa bawat isa. Simpleng pagsasanay lang ito, pero naniniwala kami na makakatulong ito sa atin para mahalin ang iba ng mas higit pa.
Kaibigan, isa kang himala!

