Nararamdaman mo bang walang nakakita sa iyo?😞

May mga oras ka rin bang nararamdaman mo na walang nakakakita sa iyo? Na parang nag-iisa ka lang sa lahat ng pinagdadaanan mo? Pwedeng mangyari ito sa mga panahong madaming ginagawa ang mga mahal natin, na wala tayong mapagkuwentuhan ng lahat ng mahihirap na emosyon natin. O pwede rin itong mangyari kapag pakiramdam natin walang nakakaintindi ng mga pinagdadaanan natin
Sa kinalakihan namin kung saan hindi masyadong kasali ang mga magulang sa buhay ng mga anak, naging karaniwang paraan ng pag-iisip ito sa amin ni Mark. Madaling mag-isip na laging hindi kami naiintindihan. Minsan, nagiging sanhi to ng totoong di pagkakaintindihan, dahil lang sa mga isip namin, yan na ang nakatatak.
Pero alam mo ba na hindi pala ito totoo? Kasinungalingan pala ang pag-iisip na lagi na lang tayong hindi naiintindihan. Kasi, sa totoo, may nakakakita pala sa atin, at ito ay ang Panginoon..
Sa Bibliya, may isang kwento tungkol sa babaeng si Hagar. Kasambahay siya ng mayamang si Sarah, na asawa ni Abraham. Galit si Sarah kay Hagar at pinalayas nya ito, kasama ang anak nitong si Ishmael. Habang halos mamatay sa gutom at uhaw ang bata, nakatagpo ni Hagar ang Panginoon na tumulong sa kanya. Dito nya napatunayan na ang Panginoon pala ang nakakakita sa kanya. Tingnan natin ang nasabi nya:
Tinawag ni Hagar na “Dios na Nakakakita” ang pangalan ng PANGINOON na nakipag-usap sa kanya, dahil sinabi niya, “Tunay bang nakita ko ang Dios na nakakakita sa akin sa lugar na ito?” (Genesis 16:13 ASND)
Kaibigan, katulad ba ni Hagar, may pinagdadaanan ka bang mahirap at akala mo walang nakakakita sa iyo? Ito ang mabuting balita: kahit ano pa ang pinagdadaanan mo, ang Panginoon ang Siyang nakakita sa iyo.
Sanayin nating ipagdasal ito, “Panginoon, salamat na nakikita mo ako.”
Kaibigan, isa kang himala!

