Nabibigatan ka ba sa buhay?ðŸ˜

May mga dalahin ka ba sa buhay ngayon na pakiramdam mo napakabigat? Baka may hindi pagkakaintindihan ka sa isang importanteng relasyon, o may mga problema sa paaralan o trabaho.
Noong nasa kolehiyo ako, nagkaroon ako ng panahon na may mabigat na dinadala dahil sa di pagkakaunawaan sa pakikipagkaibigan. Naalala ko sa na oras na yun, nahirapan akong maghanap ng bagong grupo ng kaibigan.. Pero may ilang kaklase ako na habang nag-e-ensayo kami ng cheering sa paaralan, naging katuwaan nilang kumanta ng kahit anu-ano lang. Naalala ko na nakatulong ito upang gumaan ang damdamin ko, lalo na dahil isa sa mga kinanta nila ay ang “Cast Your Burdens Upon Me.”
Nagulat ako sa mga titik ng kanta at parang naramdaman kong kinakausap ako mismo ni Jesus. Narinig kong tinawag Nya akong lumapit sa kanya at ibahagi sa kanya ang lahat ng nasa puso ko.
Kaibigan, may pinagdadaanan ka rin ba ngayong mabigat sa puso? Sa Bibliya, ito ang sinabi ni Jesus:
Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatan sa inyong pasanin, at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. Sundin ninyo ang mga utos ko at matuto kayo sa akin, dahil mabait ako at mababang-loob. Makakapagpahinga kayo, dahil madaling sundin ang aking mga utos, at magaan ang aking mga ipinapagawa.” (Mateo 11:28-30 ASND)
Nakikita mo ba, Kaibigan? Gusto Nyang lumapit tayo sa Kanya, at bibigyan Nya tayo ng pahinga. Hindi ba’t nakakapag-pabago ng damdamin sa mga oras na mabigat ang pinapasan natin?
Sa panahong ito, ito ang hamon ko sa iyo. Ipagdasal kaya natin na ibigay sa Kanya ang lahat ng problema natin sa buhay. Pwede natin itong dasalin, “Lord, nabibigatan ako sa problemang ito: (ilagay ang detalye dito) _________________. Kailangan ko ang tulong mo at ang pahinga na pangako mong ibigay. Salamat, Panginoon. Sa ngalan ni Jesus, amen.”
Umaasa akong nakatulong ito sa iyo, Kaibigan. Tandaan mo, isa kang himala!

