May hinihintay ka ba?🤔

Siguro napansin mo na dito sa atin, ang araw na ito ay unang gabi ng Simbang-Gabi sa simbahang Katoliko. Baka nakadalo ka pa nito noong bata ka, at pwede ding hanggang ngayon, isa pa rin ito sa mga paborito mong tradisyon sa Pasko. Gumigising ang buong pamilya ng madaling-araw, at sama-samang pumupunta sa simbahan. Matapos ang misa ay may mga pagkaing pwedeng bilhin sa labas, gaya ng bibingka at puto-bumbong. Sa karamihan sa ating mga Pilipino, parte ito ng selebrasyon ng Pasko, aktibo man tayo o hindi na magsimba sa ibang panahon ng taon.
Pwede nating ikonekta ang tradisyon ng Simbang -Gabi na ito sa prinsipyo ng mga Kristyano ng “adbiyento” na ang ibig sabihin ay “paghihintay”. Kaya ang dahilan ng tradisyon na ito ay ang pagdiriwang ng ating paghihintay sa pagdating ng sanggol na si Jesus sa araw ng Pasko.
Napakayaman pala ng konsepto ng paghihintay ano? Pag sinabi nating tayo ay naghihintay sa isang bagay, pwede itong mabuti o hindi. Halimbawa, ikaw, Kaibigan, may hinihintay ka ba? Baka may hinihintay kang promosyon sa trabaho, o kalutasan sa isang problema. Baka may hinihintay kang resulta ng isang panayam sa trabaho, o ng isang pagsusulit sa pagpasok o board. Baka may hinihintay kang mahal sa buhay na umuwi, or perang pambayad sa takdang petsa na hindi mo alam kung darating nga ba o hindi. Di ba minsan mahirap maghintay?
Kung may hinihintay kang pwedeng sanhi ng pagkabalisa mo, Kaibigan, baka makakahikayat ito sa iyo:
… ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay muling magkakaroon ng lakas. Lilipad sila na gaya ng isang agila. Tumakbo man sila ay hindi mapapagod. Lumakad man sila ay hindi manghihina. (Isaias 40:31 ASND).
Kaibigan, magtiwala sa Panginoon, na ang plano Nya sa iyo ay para sa kabutihan mo!
Tandaan mo, Kaibigan, isa kang himala!

