Malayo ba si Lord?

Alam mo bang hindi totoong malayo ang Panginoon?
Sa kinalakihan natin dito sa Pilipinas, karamihan sa atin ay may larawan ng Diyos na nakaupo sa isang trono sa langit, nagbabantay kung sino ang susunod na magkakasala, at pagagalitan Nya ito. Pero alam mo ba, ang paglalarawan sa Kanya sa Bibliya ay gustong-gusto nyang maging malapit sa atin?
Noong unang panahon, madami sa mga tao ang sumasamba sa mga “diyos” na parang transaksyon lang lahat: kung gagawin ko ito, bibigyan Nya ako ng ganito. Hindi ba minsan ganyan din ang tingin natin kay God, na parang vending machine lang o di kaya parang genie?
Pero tingnan natin ang pagsasalarawan sa Panginoon na isinulat ni David sa isa sa mga awit nya:
O Dios, hindi ko lubos maintindihan ang mga iniisip nʼyo; itoʼy tunay na napakarami. Kung bibilangin ko ito, mas marami pa kaysa sa buhangin. Sa aking paggising, akoʼy nasa inyo pa rin. (Salmo 139:17-18)
Paano ito nangyari, ang Panginoon pala ay iniisip tayo? Hindi lang iniisip, kundi naisalarawan pang “tunay na napakarami” ng iniisip Nya tungkol sa atin, mas madami pa daw kaysa sa buhangin sa tabing-dagat! Kaya mo bang bilangin ang mga butil ng buhangin? Hindi, di ba? Nakakatuwang isipin na ganoon pala karami ang magagandang iniisip ng Panginoon sa atin.
Kaibigan, kailangan mo bang malaman na iniisip ka ni Lord? Ganoon ka kaimportante sa Kanya!
Ngayon, ibahagi natin ang katotohanang ito sa isang kaibigan natin. Pwede mong ipadala sa kanya ang email na ito, para pwede rin silang mag- sign up sa pang-araw-araw na emails. O pwede ring i-text mo lang ang isang kaibigan mo ng tulad nito, “Iniisip ka ng Panginoon.”
Totoo ito, Kaibigan: isa kang himala!

