Kumusta ba ang relasyon mo sa pamilya at mga kaibigan mo?😎

Kaibigan, kumusta ba ang relasyon mo sa pamilya at mga kaibigan mo?Kung kasal ka at may mga anak, maituturing mo bang matalik na kaibigan ang asawa mo, at may ugnayang damdamin ba kayo ng mga anak mo? O, kung binata o dalaga ka, kumusta ang relasyon mo sa mga magulang at mga kapatid mo? Meron ka bang mga malalapit na kaibigan na maaasahan sa problema, na silang hinihikayat mo din kapag sila naman ang may pinagdadaanan?
Bakit namin naitanong ito? Alam mo bang mahalaga pala sa Panginoon ang relasyon? Minsan, gusto nating isipin na kaya natin ang lahat, malakas tayo at may sariling kakayahan.
Tingnan natin ang mga sumusunod na nakasulat sa Bibliya:
Napakagandang tingnan ang mga mamamayan ng Dios na namumuhay nang may pagkakaisa. (Salmo 133:1 ASND)
Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat. Sapagkat kung mahal mo ang kapwa mo, mapapatawad mo siya kahit gaano pa karami ang nagawa niyang kasalanan. (1 Pedro 4:8 ASND)
Nakikita mo ba, Kaibigan? Mahalaga pala kay Lord na matutunan nating magmahal sa isa’t-isa, at mamuhay ng may pagkakaisa. Pero alam mo ba, hindi ito mangyayari nang basta-basta lang. Kailangan pala nating maglaan ng oras at lakas upang mapabuti ang ating mga ugnayan.
Ngayong bagong taon, gusto mo rin bang mapabuti ang ugnayang pang-damdamin mo sa mga taong pinakamalapit sa iyo? Pwede kang magsulat din ng layunin mo na may kaugnayan sa iyong pakikisalamuha sa iba. Halimbawa, kung gusto mong maging malapit sa anak mo, ano kaya ang pwede mong gawin? Pwede kayang maglaan ng isang araw kada linggo na magsama kayo, o tatlong beses sa isang linggo na magkakasama naman ang buong pamilya sa kainan? O, kung ikaw lang at gusto mong mas mapabuti ang relasyon mo sa mga magulang mo, baka pwede mong gawin na tumawag sa kanila kahit isang beses sa isang linggo.
Kaibigan, gusto Niyang pagpalain ang mga relasyon mo. Isa kang himala!

