Gusto mo ba ng masaganang buhay? 🍾

Ngayon ang bisperas ng Bagong Taon! Anu-ano ba ang mga pamahiin ninyo para sa gabing ito? May mga pamilya na naghahanda ng 13 na bilog na prutas, sa paniniwalang magdadala ito ng pera at biyaya sa bagong taon. Mayroon namang naniniwalang kailangan nilang magsuot ng pula para pampaswerte, o noong bata ako, kailangan daw may bilog ang damit na sumisimbolo din ng pera.
Alam mo ba hindi pala natin kailangan ang mga pamahiin upang magkaroon ng buhay na puno ng pagpapala? Tingnan natin ang sinabi ni Jesus sa Bibliya:
Dumarating ang magnanakaw para lang magnakaw, pumatay at mangwasak. Ngunit dumating ako upang magkaroon ang mga tao ng buhay na ganap. (Juan 10:10 ASND)
Ang galing, ano, Kaibigan? Si Jesus pala ang paraan upang magkaroon tayo ng masaganang buhay. Pero may ipinakita rin Siyang sumasalungat , may kalaban din palang gustong guluhin ang buhay natin.
Ngayong papasok tayo sa Bagong Taon, alam mo bang pwede tayong pumili ng mga pinapahalagahan na gusto nating yakapin para sa buhay na masagana? Pwede tayong magdesisyon kung gusto nating sundin ang mga paraan ni Jesus o ang mga paraan ng kaaway! At kapag gumawa tayo ng mga papahalagahan natin, dito rin nakasalalay ang pagbuo natin ng mga layunin at mga gagawin natin sa natitirang bahagi ng taon. Totoo palang pwedeng bagong taon, bagong pamumuhay.
Ito ang hamon namin sa iyo ngayon, Kaibigan. Isulat ang mga gusto mong makitang pinahahalagahan sa buhay mo, kahit 3 to 5 lang muna. Halimbawa, isa sa mga pinahahalagahan namin bilang pamilya ay ang “life-giving speech.” Gusto naming sanayin na lahat ng sasabihin namin sa bawat isa at sa ibang tao ay ang mga salita lang na nagbibigay-liwanag. Syempre, hindi rin namin ito maperpekto! Pero ang mahalaga, may layunin, di ba? Huwag mag-atubiling magbahagi ng iyong karanasan sa amin sa pamamagitan ng email!
Kaibigan, isa kang himala!

