Ano ba ang ibig sabihin ng Pasko?🎄🎄🎄

Sigurado ako, ilang beses mo nang narinig nitong mga nakaraang buwan ang “Christmas in Our Hearts” ni Jose Mari Chan. Talagang naging parte na ito ng mga buwan ng Kapaskuhan nating mga Pinoy. Anu-ano ba ang mga nabanggit sa kanta na nakikita din natin tuwing Pasko? Yung mga batang nagtitinda ng parol, ang pagpapalitan ng mga regalo at kard (kahit pa bihira na ngayon ang kard para sa Pasko), mga pagtitipon at noche buena.
Pero napansin mo ba na may isang linya din sa kantang ito na binabanggit ang kahulugan ng Pasko:
Whenever I see boys and girls selling lanterns in the streetsI remember the Child in the manger as He sleeps.
Sino ba ang Bata na ito na tinutukoy sa kanta? Dahil tayo ay bansang karamihan ay Katoliko, malamang mabilis mong masasagot na si Jesus itong bata na nasa sabsaban. Pero bakit ba malaking bagay itong pangyayari na ipinanganak Siya at nakatulog sa sabsaban?
Ilang libong taon pa pala bago ipinanganak si Jesus, marami ng mga pangako ang Panginoon na ibinigay sa mga tauhan Nya, isa na dito ang pagpapadala Niya ng tagapagligtas. Halimbawa, ang propetang si Isaias, na nabuhay noong 700 B.C. (mga 700 taon bago si Kristo), ay nagsabi ng:
Dahil dito, ang Panginoon na mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan: Magbubuntis ang isang birhen, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki. At tatawagin niya ang bata na Emmanuel. (Isaiah 7:14 ASND)
At alam mo ba ano ang ibig sabihin ng “Emmanuel”? “Diyos ay kasama natin” (nabanggit sa naunang email). Gusto Niyang makasama tayo, kaya pinili Niyang ibigay sa atin si Jesus na ipinanganak na musmos na sanggol.
Kaibigan, ngayon, dasalin natin ito: “Jesus, salamat at pinili mong ipanganak sa mundo upang makasama ako.”
Kaibigan, isa kang himala!

