Ano ang paborito mong regalo🎁ngayong taong ito?

Kumusta ang selebrasyon ng Pasko sa inyo? Nakasama mo ba ang mga mahal mo? May mga natanggap ka bang regalo? Kung meron, alin dito ang paborito mo? Nagbigay ka rin ba ng regalo sa kapamilya at kaibigan mo? Anu-ano ang mga ito?
Tapos na ang araw ng Pasko, pero hindi ibig sabihin na isang araw lang natin iisipin si Jesus. Dahil alam mo ba, hindi lang ang pagsilang Nya ang ipinagdiriwang natin, kundi maaari rin Siyang maging “Panginoon” o hari ng ating buhay.
Matapos ipanganak si Jesus, may mga pastol na nagpupuyat sa pagbabantay ng mga tupa, at ito ang nangyari:
…Biglang nagpakita sa kanila ang isang anghel ng Panginoon, at nagningning sa paligid nila ang nakakasilaw na liwanag ng Panginoon. Ganoon na lang ang pagkatakot nila, pero sinabi sa kanila ng anghel,
“Huwag kayong matakot dahil naparito ako upang sabihin sa inyo ang magandang balita na magbibigay ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Sapagkat isinilang ngayon sa Betlehem, sa bayan ni Haring David, ang inyong Tagapagligtas, ang Cristo na siyang Panginoon. Ito ang palatandaan upang makilala ninyo siya: makikita ninyo ang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”
“Pagkatapos magsalita ng anghel, biglang nagpakita ang napakaraming anghel at sama-sama silang nagpuri sa Dios. Sinabi nila,
“‘Purihin ang Dios sa langit! May kapayapaan na sa lupa, sa mga taong kinalulugdan niya!’” (Lucas 2:9-14 ASND)
Naiisip mo bang kasali ka sa mga pastol na nandoon? Nakikita mo ba, Kaibigan, ang kanilang pagsasalarawan kay Jesus? Siya daw ang Tagapagligtas, Kristo na siyang Panginoon. Ang salitang “Kristo” ay hindi apelyido kundi tawag sa isang uri ng tagapagligtas, na parang may ibig sabihin din na hari at warrior. Ang galing, ano? Ito pala ang regalo ng Panginoon sa atin noong unang Pasko!
Kaibigan, isa kang himala!

