Ano ang mga kahilingan mo ngayong Pasko?🎄

Kaibigan, alam kong masyado na tayong matanda para mag-isip ng listahan para kay Santa Claus sa Pasko, pero mayroon ka bang mga kahilingan ngayong Pasko? Anu-ano ba ang nasa listahan mo? Baka may kailangan kang mga bagay , tulad ng cellphone, tablet, o laptop; o baka medyo malaki ang kailangan mo, tulad ng pang-matrikula o pambayad ng utang, o trabaho. Maaari ding hindi materyal ang hiling mo ngayong Pasko, tulad ng makauwi ang minamahal mo mula sa ibang bansa, o may relasyon na gusto mong maayos.
Minsan, mahirap maghintay sa mga bagay-bagay, lalo na kung may takot tayo na hindi ito darating. Minsan, mahirap kapag nawawalan na tayo ng pag-asa, hindi ba?
Ngayong papalapit na ang Pasko, may ibang paghihintay ding nangyayari: ang paghihintay sa pagsilang kay Jesus, na ipinagdiriwang natin tuwing Pasko. Alam mo ba, Kaibigan, sa taon na ipinanganak si Jesus, naghihintay ang mga Israelita sa pangakong Tagapagligtas ng hindi nila alam kung kailan mangyayari iyon? Taon-taon, pinapaalalahanan lang nila ang isa’t-isa na may pangako ang Diyos na magpapadala ng magliligtas sa kanila.
Mahirap nga maghintay, pero may kagandahan din pala sa paghihintay, lalo na kung nagagamit natin ang oras na ito para mas makilala pa ang Panginoon. Tingnan natin ang bersikulo sa Bibliya na ito:
Magtiwala kayo sa PANGINOON! Magpakatatag kayo at huwag mawalan ng pag-asa. Magtiwala lamang kayo sa PANGINOON! (Salmo 27:14 ASND)
Kaibigan, kung may hinihintay ka ngayong panahon ng Pasko, pwede nating dasalin ito: “Panginoon, hinihintay ko ang __________. Kahit mahirap maghintay, pinipili kong magtiwala sa Iyo. Tulungan mo akong magpakatatag sa Iyo at huwag mawalan ng pag-asa. Turuan mo akong magtiwala lamang sa Iyo.”
Tandaan mo, Kaibigan, isa kang himala!

