Ano ang mga iniisip at sinasabi 📣 mo?

Kaibigan, kapag tinanong kita, ano ang mga madalas na iniisip at sinasabi mo? Makikita mo ba kung mas madami sa iyong iniisip tungkol sa ibang tao ay positibo o negatibo? Paano ang mga salitang lumalabas sa bibig mo?
Kaming mag-asawa, may panahon kaming pinagdaanan kung saan marami kaming galit at hinanakit sa ibang tao. Sa panahong iyon, karamihan sa mga pinag-usapan namin ay ang mga galit na ito. Naipakita nito ang laman ng aming isip, na hindi lahat ay kaaya-aya, pero mayroon ding mga negatibong kaisipan, at lumalabas din ito sa aming interaksyon sa ibang tao.
Sa aming pagbabalik-tanaw, ayaw naming maulit ang panahon na iyon, dahil napakabigat at ang daming alitan at hindi pagkakaintindihan ang nangyari. Simula noon, naging intensyonal kami na tiyakin na ang aming kaisipan at mga salita ay ayon sa gusto ng Panginoon.
Basahin natin itong bersikulo:
Sanaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon ang aking iniisip at sinasabi. (Salmo 19:14 ASND)
Pero Kaibigan, alam naming hindi ito madaling gawin. Ang importante, hindi ibig sabihin na itatanggi natin kapag may negatibo tayong naiisip o emosyon. Sa halip, ang nakakatulong sa amin ay ang palagiang pagkukuwento sa Panginoon, at sa pagsusulat sa aming journal ng lahat ng aming nararamdaman at naiisip. Pagkatapos, sinasanay namin na ibigay ito sa Panginoon. Nakakatulong ito sa pagtanggal ng lakas o kapangyarihan ng mga negatibong kaisipan natin at sa ating mga salita.
Kaya ito ang panghihikayat namin sa iyo, Kaibigan. Kung may mga mabibigat kang kaisipan ngayon, dalhin mo sa Panginoon. Hindi Siya nagugulat sa mga emosyon mo. Pagkatapos mong ibigay ito sa Kanya, sana makakapili ka na ng magagandang salita para sa iyong bibig.
Kaibigan, isa kang himala!

