Alin ang mas gusto mo, palasyo 🏰 o silungan ng mga hayop 🐄?

Kaibigan, kung papipiliin ka ng lugar kung saan pwedeng matulog ng isang gabi, sa hotel ba o sa silungan ng mga hayop? Siyempre, lahat tayo pipiliin ang hotel: mas komportable, malinis, at may aircon pa!
Eh kung papipiliin ka kung saan mo gustong ipanganak ang sanggol mo, pipiliin mo ba ang ospital o silungan ng mga hayop? Muli, syempre sa ospital. At kung hari ang ipapanganak, alam nating sa palasyo ito bagay.
Pero ang araw ng Pasko na ito, ipinagdiriwang natin ang kaarawan ni Jesus—na ipinanganak sa silungan ng mga hayop! Bakit kaya ito ang nangyari? Ngayong Pasko, basahin natin sa Bibliya ang kuwento ng pagsilang kay Jesus:
Noong panahong iyon, ang Emperador ng Roma na si Augustus ay gumawa ng kautusan na dapat magpatala ang lahat ng mga mamamayan ng bansang nasasakupan niya… Kaya umuwi ang lahat ng tao sa sarili nilang bayan upang magpalista.
Mula sa Nazaret na sakop ng Galilea, pumunta si Jose sa Betlehem na sakop ng Judea, sa bayang sinilangan ni Haring David, dahil nagmula siya sa angkan ni David. Kasama niya sa pagpapalista ang magiging asawa niyang si Maria, na noon ay malapit nang manganak. At habang naroon sila sa Betlehem, dumating ang oras ng panganganak ni Maria. Isinilang niya ang panganay niya, na isang lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa sabsaban, dahil walang lugar para sa kanila sa mga bahay-panuluyan. (Lucas 2:1-7 ASND)
Ayan, may nangyari pala kaya napadpad sa Bethlehem sina Jose at Maria, at kung bakit walang lugar sa mga bahay-panuluyan. Pero palagay mo ba nagulat ang Diyos sa pangyayaring ito? O sinadya talaga Niya? Ano ba ang sinasabi nito sa atin? Ibang klase ang Panginoon natin, napaka-mapagpakumbaba. At ginawa Niya ito para sa atin, para sa iyo.
Maligayang Pasko, Kaibigan! Isa kang himala!

