Alam mo bang may nakakakita sa iyo? 🧐

May paboritong kanta ka ba? Kung mayroon, ano ba ang dahilan bakit gusto mo ito? Ito ba ay dahil sa melodiya o dahil sa mga liriko nito?
Marami akong paboritong kanta. Pero isa sa mga kanta na hindi ko makalimutan ay ang “He Knows My Name.” Unang beses ko itong narinig noong pumunta ako sa isang simbahang Kristiyano. Sa panahong iyon, nakakaramdam ako ng depresyon at parang walang halaga sa buhay. Nagsimula akong magbasa ng librong “Purpose-Driven Life,” at nakakita ako ng plakat sa isang mall, na may simbahan kung saan pinag-aralan ang librong ito sa loob ng ilang linggo. Kaya pumunta ako doon. Noong kinanta itong awitin, parang naramdaman kong kinakausap ako ng Panginoon, sinasabi Niyang nakikita Niya ako, at alam Niya ang pinagdadaanan ko.
Sa Bibliya, parang may ganoong karanasan din si Natanael. Hindi natin alam kung anong pinagdadaanan niya, pero nagulat siya noong nakilala niya si Jesus. Basahin natin ang nangyari sa susunod na passage:
Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Jesus, “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, nakita na kita habang nasa ilalim ka ng puno ng igos.” (Juan 1:48 ASND)
Panoorin natin ang scene na ito sa The Chosen, S2 - E2: Nakita Kita, mula 15:16 - 18:11. Sa naisip na eksenang ito, ang tinutukoy ni Jesus na “habang nasa ilalim ka ng puno ng igos,” ay isang pagkakataon kung saan buong-pusong nananalangin si Natanael sa Diyos. Kaya pala gulat na gulat si Natanael at biglang nagdeklara na, “Guro, kayo nga ang Anak ng Dios! Kayo ang hari ng Israel!” (Juan 1:49 ASND)
Kaibigan, alam mo bang nakikita ka din ni Jesus? Kahit ano pa ang pinagdadaanan mo ngayon, nandiyan Siyang kasama mo. Mahal na mahal ka Niya, kaya lagi Siyang nakatingin sa iyo.
Tandaan mo, Kaibigan, isa kang himala!

